Tatawid ang karakter ni Jillian Ward na si Doc Analyn Santos sa hit afternoon series na "Abot-Kamay Na Pangarap," papunta sa GMA Prime series na "Black Rider" ni Ruru Madrid.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang bahagi ng taping ng Black Rider habang nakaangkas si Doc Analyn sa motorsiklo ni Elias Guerrero (Ruru).

"Nakakakaba po kasi ngayon lang ako sumakay ng motor pero siyempre andito naman po ang ating napakagaling na si Sir Ruru kaya medyo nawala po kaagad ang kaba ko," ani Jillian.

Sabi naman ni Ruru, "Siyempre kumbaga nakasalalay sa akin ang buhay ni Jillian Ward, kailangan talaga nating ingatan."

Dagdag pa ng aktor, "Dahan-dahan lang and evenually kanina, nag-motor kami, tinry ko ng konting bilisan para at least masanay siya ng konti."

Ayon kay Ruru, manggagaling ang cameo role ni Jillian sa "Abot-Kamay Na Pangarap," hanggang sa tumawid sa "Black Rider."

"Magagamot ko po si Black Rider," ani Jillian.

"Habang nakikipagbarilan, ginagamot niya 'yung sugat ko," natatawang sabi ni Ruru.

Hindi ito ang unang pagkakataon na tumawid ang karakter ni Jillian sa ibang Kapuso series. Noong nakaraang taon, napanood si Doc Analyn sa hit murder-mystery series "Royal Blood."

Bukod sa mga TV projects, magiging abala rin si Jillian sa gagawin niyang pelikula, kasama si Ken Chan na sisimulang i-shoot sa susunod na buwan sa ibang bansa.—FRJ, GMA Integrated News