Ang hinahangaang veteran actress sa bansa na si Celia Rodriguez, mayroon ding aktres na hinahangaan pagdating sa husay sa pag-arte dahil sa lalim ng hugot. Alamin kung sino siya.

Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," inihayag ni Celia na isa siyang tagahanga ni Nora Aunor na kaniyang kababayan sa Bicol region.

"I have always been a fan of Nora Aunor," deklara niya.

Nang minsan may magtanong umano sa kaniya tungkol kay Nora at Vilma, na kaniyang kumare, sinabi ni Celia na kakaiba ang lalim o hugot ng Superstar sa acting.

"When it comes to depth, yung lalim, yung hugot, walang dadaig kay Nora Aunor," sabi pa ng aktres na hinahangaan sa mga kontrabida role.

"She's the only one I know kahit nakatalikod nag-a-acting yung mata. Nag-a-acting yung kaniyang shoulder," patuloy ni Celia.

Nang tanungin ni Tito Boy si Celia kung nagagandahan at nagagalingan ba siya sa mga artista ngayon sa Pilipinas, sumang-ayon naman ang aktres pero mas marami raw noon.

“Mas marami noon. Well we have Gloria Romero, we have Barbara Perez, we have Charito Solis, Nida Blanca, marami noon,” saad niya.-- FRJ, GMA Integrated News