Hindi pala ang karakter ni Jillian Ward na si Dr. Analyn Santos ang tatawid sa Kapuso Primetime series na "Black Rider" na pinagbibidahan ni Ruru Madrid.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sisilip din ang karakter ni Ruru na si "Elias," sa Kapuso hit afternoon series na "Abot-Kamay Na Pangarap," na pinagbibidahan naman ni Jillian.

Sa darating na episode ng "Black Rider" sa Miyerkules, mapapanood ang karakter ni Dr. Analyn Santos.
Sa susunod na raw, si Elias naman ang makikita sa afternoon series na "Abot-Kamay Na Pangarap."

"Kailangan ko sumugod sa ospital na Apex at sa 'di inaasahang pagkakataon bigla na lang may tumambang sa amin," kuwento ni Ruru.

"Sa eksena naman po gusto lang kumain ni Analyn ng mami, ng pares, nadamay siya sa barilan. Hay, naku 'Black Rider," saad ni Jillian.

Kapuwa masaya sina Ruru at Jillian na maranasan ang magkaibang set sa kanilang taping dahil sa kakaibang crossover ng kanilang mga karakter.

"Naranasan ko 'yung mga narinig ko 'yung mga medical terms na sinasabi niya at the same time siya naman na-experience niya 'yung pagsabog," ani Ruru.

"It's such an honor na magkaroon ng ganitong klaseng crossover tapos si Kuya Ruru pa po ang nasa show namin at ako rin bilang si Dra. Analyn, na-experience ko ang 'Black Rider' na grabe, sobrang intense, nakakapagod sa taping nila," ayon naman kay Jillian.

Napapanood gabi-gabi ang "Black Rider" pagkatapos ng "24 Oras." Habang natutunghayan ang "Abot-Kamay Na Pangarap" pagkatapos ng "It's Showtime." —FRJ, GMA Integrated News