Bago pa man makilala noon ang iconic love team na "Guy and Pip" nina Nora Aunor at Tirso Cruz III, una munang isinigaw ng fans ang tambalang "Guy and Bot" nina Nora at Edgar "Bobot" Mortiz.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, ikinuwento ni Bobot ang naging on-screen love triangle nila nina Nora at Tirso noong dekada '70s.

"Nag-love team kami siyempre mga bata pa kami. Parang laro-laro lang. Kaming dalawa muna ni Ate Guy, pagkatapos ipinasok ni Tony Santos si Tirso, naging triangle kami," ayon kay Bobot na isa na ring direktor ngayon.

Natatawa rin niyang ikinuwento ang ginawa ng direktor na si Tony Santos na "nag-utos" sa kani-kanilang fans na mag-away na naging simula rin ng mainit na "rivalry" ng kani-kanilang fans club.

"So sabi nga dapat unahan kami ni Tirso ligawan si Ate Guy parang ganon," ani Bobot.

Pero nag-iba na nang mahulog na talaga sa isa't isa sina Nora at Tirso.

Bagaman mayroon pa umano silang ginagawang pelikulang tatlo noon, nagdesisyon ang producer na alisin na si Bobot at hayaan na lang sina Guy at Pip.

"Nagka-inlove-an na sila. So sa kalagitnaan ng pelikula, tinawag na ako ng producer. Tinanggal na ako," natatawang alaala ng veteran actor.

Nang bumalik naman sa pagkanta si Bobot, ikinuwento niya na nakita niya sa isang radio station si Vilma Santos na naglalakad at sinabi niyang gusto niya itong maging screen partner, na naging daan sa pagbuo ng tambalang Vi at Bot.-- FRJ, GMA Integrated News