Nagbigay ng update tungkol sa kaniyang kalusugan si Boobay matapos siyang himatayin sa entablado habang nagpe-perform sa Bansud, Oriental Mindoro noong Enero kasama si Tekla.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ng komedyante na under control na ngayon ang kaniyang kondisyon na tinatawag na absence seizure sa pamamagitan ng tamang gamot at regular na pagpapatingin sa doktor.
“Okay naman na, okay na. Siguro nagpasaway na naman ako at that time talaga. Tumuhog na naman ako,” paliwanag niya.
Ayon kay Boobay, una siyang nag-perform sa isang pista sa Tondo bago bumiyahe patungong Oriental Mindoro para sa isa pang pagtatanghal.
“Bago 'yun hindi ko kasi in-expect din na ganoon kalayo pala 'yung pupuntahan namin ni Tekla. Before ako nag-show doon, galing muna ako ng Tondo sa fiesta doon. Dumiretso na ako agad-agad ng pa-Batangas,” saad niya.
Aminado si Tekla na kinabahan siya sa nangyari sa kaibigan pero ipinagpatuloy pa rin nila ang pagtatanghal.
“Diyos ko, nangangatog ako. Siyempre ‘yung ano, paano mo i-explain?” ani Tekla.
Lalo namang humanga si Boobay sa kaniyang kaibigang si Tekla bunga ng naturang insidente.
“Doon ko na-appreciate si Tekla, ang galing niya ha. Partner talaga siya,” saad niya.
Sabi naman ni Tekla, “Doon mo masasabi na the show must go on. On that moment biglang — 'di mo alam, so kailangan may instant ka dun na back up.”
“Tapos 'yung mga tao nakatulala sila, akala nila prank lang," dagdag niya.
Dahil kay Tekla, sinabi ni Boobay na madali siyang nakabalik sa stage pagkaraan ng ilang minuto nang magkamalay na siya.
“Pagka-pull out sa akin sa stage, sinalo agad ni Tekla kaya nakabalik ako na ganoon pa rin kataas 'yung energy,” ani Boobay.
Samantala, magpapatuloy din ang tambalan ng dalawa sa bagong “The Boobay and Tekla Show: On the Go.”
Mula sa studio, mag-iikot na ang dalawa upang maghatid ng saya sa mga tao sa labas.
“Mas na-excite kami kasi hindi lang kami nasa loob ng studio. Nakakapagliwaliw na kami, nakakapunta na kami sa mga lugar na I'm sure ang tagal nang pinapangarap ng mga ka-TBATS natin na mapuntahan namin,” ani Boobay.
Magkakaroon din ng tinatawag na “Laff Buss” sina Boobay at Tekla.
“Lahat ng umpisa ng aming kuwento from the bus… Makikipagsalamuha tayo sa kanila kung saan man sila, pupuntahan natin using our Laff Bus," sabi ni Tekla. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News
