Sa tagal ng kanilang teleserye noon na “Abot Kamay na Pangarap” na inabot ng mahigit dalawang taon, naging magkaibigan na sina Jillian Ward at Kazel Kinouchi. Sa cooking talk show na "Lutong Bahay," may ibinuking sila tungkol sa isa't isa.
Nagmistulang reunion nina Jillian at Kazel ang guesting nila sa Lutong Bahay na host si Mikee Quintos.
Gumanap sa "Abot Kamay na Pangarap" si Jillian bilang si Dra. Analyn Santos, habang si Dra. Zoey Tanyag, naman si Kazel .
Sa isang segment ng programa, magtatanong si Mikee at sasagot sina Jillian at Kazel kung sino sa kanila ang tutugma sa naturang tanong sa pamamagitan ng pagpili ng larawan nila.
Sa pagiging palaging late dumating sa taping ng kanilang show, parehong inako ng mga aktres na sila ang madalas na late.
Pero paglilinaw ni Jillian, wala naman talagang nale-late sa kanilang cast members nang walang dahilan gaya ng pagkakaroon ng aksidente.
Sa tanong na sino ang mas kuripot, pinili ni Jillian ang larawan ni Kazel, at aminado naman ang huli na pinili rin ang sarili niyang larawan.
“Kuripot ako, aminado,” sabi ni Kazel. “It’s not a bad thing to be kuripot,” depensa niya.
Pagdating sa usaping lovelife, ibinuking na nina Jillian at Kazel ang isa’t isa.
“Hindi niyo lang alam, pero meron sa mga cast na secretly, type na type siya,” sabi ni Jillian tungkol kay Kazel.
Komento naman ni Kazel, “Ngayon ko lang narinig ‘yan!”
Si Kazel naman, ibinuking na maraming manliligaw si Jillian.
“Ako alam ko, madami si Jill. Ano lang siya, very guarded. Sa show, tatlo tatlo,” sabi ni Kazel.
Ngunit off-cam, marami rin umano ang nangsosorpresa kay Jillian.
“Grabe nga ‘yung birthday niya eh, tatlo eh, iba-iba ang surprise ba, pabonggahan ng surprise,” kuwento ni Kazel.
“Naging apat pala talaga,” pahabol pa niya.
Natawa na lamang si Jillian sa pambubuko sa kaniya ng kaibigan.
Umere noong Setyembre 2022, at nagtapos noong Oktubre 2024 ang "Abot Kamay na Pangarap." -- FRJ, GMA Integrated News
