Dahil naging kontrobersiyal kamakailan ang alegasyon ng "nakawan" umano ng jokes sa mga komedyante, sinabi ng mga komedyante rin na sina Wacky Kiray at Negi na mas gusto nila na tawaging "hiraman" ang paggamit ng jokes ng ibang komedyante.

Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi nina Wacky Kiray at Negi na iba na ang mga komedyante ngayon kumpara sa kanilang panahon noong nagsisimula sila.

“Nu'ng panahon namin, kailangan mo talagang mag-aral e. Kailangan mong mag-aral ng mga bagong joke, kailangan mong pag-aralan 'yung craft mo, kung saan ka magaling, magbasa,” paliwanag ni Kiray.

Puna niya, ang ibang komedyante ngayon ay idinadaan sa panlalait at bad words  ang pagpapatawa.

Gayunpaman, sinabi ni Negi na maraming "junior" o mas bagong komedyante ang mahuhusay din naman at umaasa siyang madidiskubre sila kaagad.

“Ako, nu'ng nag-junior din ako, ngayon kino-consider nila ako as senior, ako, naniniwala talaga ako na 'yun e ipinamamana. Mabuting pakikisama talaga ang sikreto sa trabaho talaga,” sabi ni Negi.

Tungkol sa "hiraman" ng jokes, sinabi ni Kiray na may mga komedyante na hindi alam na may orihinal na pinanggalingan ang jokes na binibitawan.

“Actually, Tito Boy, hindi naman ako madamot sa mga ganiyan e. 'Pag naibato mo, bato mo. Pero halimbawa kung manggagaya ka ng joke, bigyan mo ng hustisya. 'Pag hindi mo nabigyan ng hustisya, mas magagalit kami which is ayaw na ayaw namin 'yan,” paliwanag ni Kiray.

Mas maganda rin daw na pakinggan ang salitang "hiraman" ng jokes sa mga komedyante na hindi raw minsan maiwasan na may pagkakataon na kailangang gamitin ng komedyante.

Ipinaliwanag din nila na may joke na "one liner" lang, at may iba naman na idinadaan muna sa mahabang kuwento bago bitawan ang punch line na kung minsan ay ang mula sa one liner na joke.

Ayon kay Kiray, ibang usapan na kung ang gagayahin mismo ay ang mahabang kuwento na ginamit para sa punchline o one liner na joke.

Sang-ayon naman sina Kiray at Negi kay Tito Boy na ang mahirap sa joke ay hindi naipapa-copyright para magsilbing legal na patunay na siya ang pinagmulan ng naturang joke. --FRJ, GMA Integrated News