Dream come true para kay Barbie Forteza ang makatrabaho ang kaniyang idolo na si Sharon Cuneta.
Sa Instagram, ibinahagi ng Kapuso Primetime Princess ang larawan na kasama niya ang Megastar sa Prime Video's launching event nitong Martes.
Magkasamang bibida sina Barbie at Sharon sa Prime Video original series, na "Honor Thy Mother," na kabibilangan din nina John Estrada at Khalil Ramos.
"She was the reason why I wanted to become an actress. Dreams do come true. Beyond excited to work with you po, Ms. Sharon Cuneta," saad ni Barbie, at naka-tag ang batikang aktres.
Collaboration ng GMA Network, ABS-CBN, and Prime Video ang "Honor Thy Mother," na istorya tungkol sa alitan at masalimuot na ugnayan sa pamilya at relasyon.
Noong 2023, ginampanan ni Barbie ang karakter na si Monique sa remake ng teleseryeng “Maging Sino Ka Man,” na dati ring ginampanan ni Sharon sa movie version nito noong 1991.
Huling napanood si Barbie sa horror movie na “P77” na ipinalabas din sa Prime Video. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News

