Bukod sa kaniyang pagkanta, markado rin at ginagaya ng fans at nagba-viral ang dance moves ni Elias Lintucan Jr., na vocalist ng bandang Kalumad. Kilalanin kung sino si Elias na inaabangan ngayon ng mga tao kapag nagtatanghal siya sa iba't ibang lalawigan sa Mindanao.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang dami ng tao sa mga gig ng banda ni Elias sa Mindanao. At kapag gumiling na siya para sa kaniyang signature dance moves, hiyawan na sila, lalo na ang kababaihan.

Ayon kay Elias, bata pa lang siya ay pangarap na talaga niya ang magtanghal. Nahasa raw ang kaniyang talento sa pagkanta habang nangunguha ng dagta sa rubber tree sa kanilang bayan sa Magpet, North Cotabato.

Ang kaniyang naging mentor, ang kaniyang tatay na si Elias Sr., na mahilig ding kumanta. Kaya naman nagiging bonding moment nilang mag-ama ang kumanta habang nangunguha ng dagta ng rubber tree.

Ang kaniyang sikat na dance moves, hango rin daw sa pagkuha niya ng dagta kapag inuukitan ang rubber tree upang mapaagos ang dagta nito.

Ang kaniya namang ina na si Nenita, isang OFW sa Bahrain na nagsimula noong Grade 2 pa lang si Elias.

Masayang-masaya si Nenita sa narating na ngayon ng kaniyang anak.

Dahil nasa abroad ang ina at nasa bukid ang ama, ang laging nakakasama ni Elias ay ang kaniyang lola Mary at lolo Marciano.

Aminado si Elias na nagiging emosyonal siya kapag pamilya ang pinag-uusapan.

Dahil sa kaniyang pagsisikap na pinagsasabay ang pagtatrabaho at pag-aaral, nakapagtapos ng kursong criminology si Elias noong 2023.

Subalit sa halip na maging pulis, sinunod niya ang kaniyang pangarap na maging performer. Nagsimula siya sa pagiging vlogger na buhay sa bukid ang kaniyang content.

Hanggang sa ipakita na rin niya ang husay niya sa pagsayaw at pagkanta, at naging vocalist na nga siya ng kanilang banda.

Ngayon, naiimbitahan na ang banda ni Elias sa iba't ibang probinsiya sa Mindanao.

"Napupuno talaga ang area kapag naggi-gig kami. Nararamdaman ko sa aking sarili is proud na proud, masayang-masaya," ani Elias.

Pero sa ngayon hindi pa raw ikinukonsidera ni Elias na sikat siya. Pangarap niya raw na makapagtangal sila sa ibang bansa.

"Nangarap na lang naman din ako, lubos-lubusin na lang," sabi niya.

May mga fans din daw nag-di-DM o magpapadala ng mensahe sa kaniya na nagpapahayag ng pagkagusto sa kaniya. Kaya naman ang tanong marahil ng iba, single ba o taken na si Elias? Alamin 'yan sa video na ito ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News