Binalikan ni Ara Mina ang mga kontrobersiya sa showbiz tungkol sa mga lalaking naugnay sa kaniya bago niya nakilala si Dave Almarines na kaniyang naging asawa. Naging karelasyon nga ba niya noon si Jomari Yllana at maging si dating senador Manny Pacquiao? Alamin.
Sa kaniyang nakaraang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” kinumpirma ni Ara na nanligaw sa kaniya noon ang “Gwapings” na si Eric Fructuoso.
“Parang ano naman 'yun eh. Parang kabute. Minsan magte-text. Minsan, manliligaw,” sabi niya.
Humantong pa raw sa away noon ang panliligaw ni Eric kay Ara.
“Nagkaroon kasi ng issue po noon na nagkasuntukan dati sa That’s Entertainment. Si Marlo (Silverio), sinuntok si Eric, ‘yung taga Tuesday group. Nagsuntukan sila sa backstage. Kasi pinupormahan nga ako ni Eric. Eh si Marlo, parang kuya-kuyahan,” kuwento ng aktres.
Ngayon, tinatawanan na lang daw nila ni Eric ang nangyari noong kabataan nila.
“Noong nagkausap nga kami ni Eric, ‘In fairness ha, mas malaki ako sa kaniya, ang lakas ng suntok niya.’ Nu’ng ito na lang, nu’ng nagkasama kami sa show sa 7, grabe ‘no, parang tinatawanan na lang naming,” patuloy ng aktres.
Ayon kay Ara, naging magkaroon sila ng isa pang “Gwapings” member na si Jomari, na tumagal ng apat na taon, at naging kontrobersiyal.
“Ay, sobra!” sabi ni Ara. “Parang ano 'yun eh, kung ‘di malakas ang loob mo, tatalon ka na lang sa building.”
Pag-amin ng aktres, sangkot din sa isyu noon ang dating asawa ni Jomari na si Aiko Melendez.
“Hiwalay na sila noon. Pero siyempre, parang lumabas, parang ang dating, inagaw ko,” paglilinaw niya.
Ang naging aksiyon dito ni Ara at kaniyang kampo, “Wala, deadma, tahimik, tapos minsan sasagot. Eh sino magdi-defend sa akin? ‘Hindi totoo,’ ‘hiwalay na sila,’ ganiyan.”
Pagbabahagi ni Ara, naging maayos na rin ang pagiging magkaibigan nila ni Aiko.
Nang tanungin kung paano sila naghiwalay ni Jomari, birong sagot ni Ara, “Itanong na lang natin kay Pops (Fernandez).”
“Hindi. Si Jomari kasi siyempre, magandang lalaki, so, wala, nag-ano na lang, nag-part ways na lang kami. Uso pa nu’n ang mga multo, joke. Uso pa nu’n ang ghost,” sabi ni Ara.
Nakarelasyon din ni Ara ang dating Bulakan, Bulacan Mayor na si Patrick Meneses, kung saan may anak sila na si Amanda Gabrielle o Mandy.
Ayon sa aktres, tatlong taon at kalahati ang itinagal ng kanilang relasyon, bago sila naghiwalay.
“Okay naman. Ako naman, tahimik naman ako. Hindi naman ako nag-emote sa TV. Tahimik na lang, especially, father siya ng anak ko. At least man nang, kahit sa personal life ko, magkaroon ng privacy,” pagbahagi niya.
Ayon kay Ara, naging dating nobyo rin ni Aiko si Patrick.
Biro tuloy ni Ara, “Baka sa past life, ‘no? Baka may something kami, na hindi ko rin naman sinasadya.”
Nilinaw din ni Ara na hiwalay na sina Aiko at Patrick, nang makarelasyon niya ang dating alkalde.
Sinagot din ni Ara ang tanong kung nagkaroon sila ng relasyon ng boxing icon at dating senador na si Manny Pacquiao.
“Na-link lang. Because of the movie. Kasi, I think, first movie ba niya ‘yun?” tugon niya. “Tsaka, inamin naman niya sa akin na crush niya ako noon pa.”
Sinagot din ng aktres kung nanligaw sa kaniya si Manny.
“Ligaw ba ‘yun? Parang normal na, I don't think ligaw ‘yung ginawa niya sa'kin,” ani. “Sabi niya, nu’ng araw daw, ‘di pa siya sikat na boksingero. May poster ako ng Tanduay. Sabi niya, ‘Kailan ko kaya makakasama ‘to?’ Parang ganu’n.”
For the record, nilinaw ni Ara na hindi sila nagkaroon ng relasyon ng dating senador.
Ngayon, kasal na si Ara sa negosyanteng si Dave, na una niyang nakilala sa isang basketball event sa Laguna.
“Then, dumating ako, tapos na ‘yung event. So, siyempre, hindi na ako nakakanta. Tapos, nagbigay lang siya ng calling card. Tapos, after two days, nag-message ako, nag-sorry ako na na-late ako sa event. Sabi ko, babawi ako next time. Tapos, doon, siya sumagot.”
Tunghayan sa Kay Susan Tayo! Vlogs kung paano nalaman ni Ara na si Dave ang kaniyang The One. Panoorin ang buong panayam.—FRJ GMA News
