Naging usap-usapan sa social media kamakailan si Toni Fowler, na kilala rin bilang si Mommy Oni, nang ianunsyo niya sa kaniyang vlog na “pinaliit” na niya ang kaniyang dibdib sa pamamagitan ng breast reduction surgery. Bakit nga ba niya piniling sumasailalim sa naturang operasyon kahit itinuturing “asset” sa babae ang malaking dibdib? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing taong 2016 nang sumailalim si Mommy Oni sa kauna-unahan niyang breast augmentation surgery o pagpapalaki ng dibdib.

“After ko magkaroon ng baby, sobrang na-insecure ako. ‘Yung ex ko, meron siyang tinitingnan sa Facebook. Kapapanganak ko lang ha. Pagtingin niya sa FB, sabi niya, ‘Ang sexy o.’ ‘Luh? Sexy nga, ang pangit naman.’ Sabi niya sa akin, ‘Ikaw, ang ganda mo nga, lawlaw naman dede mo.’ Nasaktan ako,” kuwento ni Mommy Oni.

Dahil dito, nagpalagay si Toni ng silicone gel sa kaniyang dibdib upang maging 38D ang sukat nito.

Sa paglaki ng kaniyang dibdib, kinailangan ni Toni na mag-“tiis-ganda.”

“‘Pag sasayaw ka, kailangan buhat-buhat. Kahit may bra ka na, kahit may sports bra ka na, kahit ang higpit niya na, kailangan na kagano’n ka pa rin (nakahawak sa dibdib) talaga,” sabi niya.

“Minsan, 'di ba, tinatamad na tayo mag-bra. ‘Pag naglilinis ka, 'yung dito (ilalim ng dibdib), nagpapawis sa ilalim. ‘Pag inamoy mo ang asim din kasi talaga eh,” dagdag niya.

Mas lalo pang nahirapan si Toni nang lumaki pa ang kaniyang mga dibdib nang isilang niya ang bunsong si Tyrone taong 2024.

“Sobrang hindi na ako makahinga. Ipa-pump siyang gano'n, parang ang sakit. Ten years na 'yung silicone ko sa loob ng aking katawan. Expired na siya. Nag-decide talaga ako na ipatanggal,” sabi ni Toni.

Kaya naman sumailalim na siya sa operasyon na inabot ng apat na oras.

Ayon kay Dr. Samuel Yapjuangco, cosmetic and plastic surgeon, sumailalim si Toni sa inverted T o anchor lift na breast reduction surgery, kung saan sa paligid ng areola ang hiwa pababa sa midline ng dibdib at sa ilalim ng fold.

Nagkakahalaga ang naturang operasyon ng P200,000 hanggang P350,000.

Pero ito na kaya ang huling pagkakataon na sasailalim si Toni sa breast surgery?

“Sobrang na-ROI (return of investment) ko talaga 'yung dibdib na ipinalagay ko. Pero, iniisip ko pa talaga, ayoko pa na magsalita nang tapos. Baka kasi magpalagay pa ako ulit (in the future),” saad niya.

Ngunit hindi lang si Toni ang babae na piniling magpabawas ng dibdib. Ang "naturally gifted" sa hinaharap na si Rose Tolentino, 32-anyos, nagpabawas din ng dibdib matapos itong maging mitsa ng sigalot sa pagsasama nila ng kaniyang mister na seaman.

“Sando, bawal po sa kaniya. 'yung fit, bawal din po,” sabi ni Rose, na asset na ang kaniyang mga dibdib noong college pa lang.

Pagtungtong niya ng 25-anyos, napansin niyang mas lalo pa itong lumaki at bumigat. Simula nang mabuntis, lumaki pa ang kaniyang mga dibdib mula Cup D, na naging Double D.

“Nahirapan po talaga akong huminga. Mabigat po sa likod. Madalas po, hinihingal po ako,” kuwento niya.

Dahil sa pagbabawal ng kaniyang mister, nasakal si Rose at hiniwalayan niya ito noong 2023.

Nito lang Agosto 5, sumailalim na si Rose sa kaniyang operasyon para bawasan din ang dibdib. Mula Double D na dibdib, ngayon, Cup B na lang siya.

“Matagal ko na po itong pangarap, 'yung mabawasan po 'yung bigat. Kasi masakit po sa likod. Thankful po sa doktor,” sabi niya.

Ang 28-anyos naman na si Eunice Sinsay, madalas umanong mabastos dahil sa kaniyang asset.

“Noong high school, siyempre nakapang-PE. May nag-video sa akin na isang classmate na binidyo niya 'yung pag-alog ng breast ko. Sobrang nakaka-traumatized 'yung gano'ng nangyari,” kuwento niya.

“Nagkaroon ako ng LDR. Tapos parang, hindi naman love 'yung pakay niya. Du’n sa body lang siya nakatingin. Sabi niya, ‘Puwede ko bang makita?’ Sabi ko ‘hindi.’ So ayun, naghiwalay din naman kami eventually,” patuloy niya.

Dahil umano sa kaniyang PCOS o Polycystic Ovary Syndrome ang malaking dibdib ni Eunice.

“Sobrang bigat niya, napu-push down 'yung body ko. Tapos, pati 'yung shoulder ko, nagkakaroon na ng problem kasi 'yung strap nu'ng bra, napu-pull down niya kasi sobrang bigat nu'ng breast part,” sabi niya.

Bukod dito, bumubukas din minsan o natatanggal na ang kaniyang butones.

Noong nakaraang taon, sumailalim si Eunice sa breast reduction surgery at natanggal ang halos 6 kilograms na laman. Umabot sa P200,000 ang kaniyang gastos.

“Mas naging positive ako na hindi naman pala lahat ng lalaki nakatingin lang sa breast, may tatanggap pa rin naman sa ‘yo kahit gano'n 'yung naging choice mo sa buhay,” sabi ni Eunice. – FRJ GMA News