Ikinuwento ni Christian Bautista na naiwala niya ang engagement ring na kaniya sanang gagamitin para mag-propose sa noo'y nobya pa lamang na si Kat Ramnani.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, inalala ni Christian na inimbitahan niya noon si Kat na makipagkita sa kaniya sa Greece dahil bahagi ito ng kaniyang European tour.
“Funny story. Mayroong European tour na nangyari and then sabi ko sa kaniya, ‘Mayroon akong European tour, magkita naman tayo sa Greece kasi nandoon na ako, makakatipid tayo,'” pag-alala ng Asia's Romantic Balladeer.
“So pumunta siya doon. Itinago ko ‘yung engagement ring,” pagpapatuloy niya.
Sinabi ni Christian na habang nasa Europe, sinubukan niyang maghanap ng pinakamagandang lugar at moment para mag-propose pero parang hindi ito umaayon sa kaniyang plano.
"I don't know, hindi lumalabas, hindi ko ma-feel at that moment or spot, until mawala 'yung engagement ring," patuloy ni Christian.
“Nawala ‘yung engagement ring kasi nilagay ko sa check-in [baggage] at ‘yung eroplano ipinadala sa ibang bansa. So, parang nagtanong ako sa sarili ko na, 'Is this a sign? What’s going on?' 'Di ba, so parang I was so, so distraught," pagpapatuloy ni Christian.
Natagpuan kalaunan ang bag at ibinalik ito kay Christian pagkaraan ng ilang araw, hanggang sa magpasya na siya sa wakas na mag-propose nang simple at private lamang kay Kat sa kanilang hotel room.
"Thank God after a few days nahanap ‘yung bag, and then noong nakita ko ‘yung bag and ‘yung ring, I proposed that night," sabi niya.
“He proposed to me in my pajamas na may butas-butas on our last night. So in all the beautiful spots in Europe, no. He just did it in the room, in private, in my Winnie the Pooh pajama with butas on it," pag-alala naman ni Kat.
Sinabi naman ni Christian na gusto niyang ipakita kay Kat na wala siyang kailangang iba sa kaniyang proposal kundi si Kat lamang.
“Parang pinakita ko rin sa kaniya na I don’t need all of these sceneries. I just need you," anang Kapuso singer at actor.
Ikinasal sina Kat at Christian sa Bali Nobyembre noong 2018. Pagkaraan ng isang buwan, nagsagawa sila ng isang engrandeng reception sa Maynila. -- FRJ, GMA Integrated News