Nakiusap sina River Joseph at Klarisse de Guzman kay "Kuya" na sila na lang ang ipalit sa dalawang ka-housemates na nominadong mapatalsik sa kaniyang bahay.
Sa episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" nitong Martes, nais ni River na iligtas sa posibleng eviction ang kapuwa Kapamilya star na si Xyriel Manabat.
Paliwanag ni River, ilang linggo pa lang si Xyriel sa loob ng bahay ni Kuya at marami pa umanong maipakita ang aktres tungkol sa sarili.
"I don't want her to be in this position na close to leaving. Alam ko sobrang lakas ni Xyriel, kaya niya 'to, pero I'd rather sacrifice myself for her," hiling ni River kay Kuya.
Samantala, nais namang isalba ni Klarisse sa posibleng eviction si Shuvee Etrata, na pinarusahan ng automatic nomination kasama ang katandem nito na si Bianca De Vera dahil sa mga paglabag sa patakaran sa bahay.
Kabilang dito ang pagbasa sa lapel microphone na nangyari sa Game Night na kasama si Donny Pangilinan. Tumalon si Shuvee sa pool para habulin si Klarisse, na nag-dive habang nakainom.
"I think ako po 'yung may kasalanan kung ba't po nangyari 'yung pinaka malaking offense niya Kuya," paliwanag ni Klasisse. "Kahit ako na lang Kuya ma-nominate or maalis Kuya."
Ayon kay Klarisse, nag-alala lang si Shuvee sa kaniya at pakiramdam niya ay nagresulta iyon kaya naging nominado ito sa eviction.
Tinanggihan naman ni Kuya ang pakiusap ng dalawa, at sinabi kina River at Klarisse na dapat nilang hayaan na harapin ng dalawa ang pagsubok at matuto sa kanilang ginawang aksyon.
Ang tatlong pares na nominado sa eviction ngayon linggo ay sina Shuvee-Bianca, Xyriel-Dustin Yu, at Josh Ford-Ralph De Leon.
Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa weekdays sa ganap na 10 p.m. at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. —FRJ, GMA Integrated News