Hindi bababa sa dalawang tao ang sugatan matapos bahagyang gumuho ang isang bahay sa Binondo, Maynila Huwebes ng gabi.
Biglang gumuho ang bahagi ng isang bahay sa Sevilla Street, Barangay 272 sa Binondo, Maynila mag-aalas nueve kagabi.
Makikita sa CCTV na biglang nagtakbuhan ang mga tao sa lugar.
Pero ilang nagtitinda ng inumin ang nabagsakan ng mga debris at na-trap, kabilang na ang 50-anyos na si Aling Dolores Candaza.
Ayon sa kanya, agad naman silang tinulungang makalabas ng mga residente.
"Grabe nga eh yun na nga lang laking pasalamat namin," sabi ni Candaza.
"Tinatawag ako ng manugang ko, may bumabagsak ... pagkasabi niya ayun, bumagsak na nga."
Batay sa impormasyon galing sa Manila Police District, kabilang sa nasugatan ang isang 14 anyos na binatilyo at isang 29 anyos na babae.
Ayon naman sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, lima ang ang naging biktima sa nangyari na nagtamo ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Ipinagpasalamat naman ng barangay na hindi ganoon karami ang nasugaan sa nangyari lalo at mataong lugar ang pinangyarihan ng insidente.
"Lalo na pagdating po kasi ng 7pm-7:30pm po talaga, daanan po yan ng estudyante kaya punong puno po yang kalye na yan pagdating po ng ganung oras at sa awa ng diyos at hindi ganung oras nangyari yung aksidente," ayon kay Kagawad Robin Joy Cantos.
Ayon sa barangay, wala namang tao sa loob ng nasabing bahay noong naganap ang insidente.
Inaalam daw sa ngayon kung posibleng may kinalaman sa pagguho ang itinatayong bahay na katabi lang ng gumuhong bahay.
"Nag apply naman po ng permit before mga 5 months ago pa po," ayon kay Cantos.
"Old houses po yung itsura niya eh so more than 50 years na din po yung itsura ng bahay po," dagdag niya.
Hindi muna pinadadaanan sa publiko at mga motorista itong kahabaan ng lugar para masiguro ang kaligtasan ng publiko lalo na sa posibilidad na mas lalo pang gumuho itong nasabing bahay.
Nakatakda rin inspekyunin ngayong araw ng manila engineering department ito ngang nasabing bahay para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng may ari ng bahay. — BAP GMA News

