Naging emosyonal si Rocco Nacino nang magsagawa sila ng kaniyang mga kasamahan sa Navy ng relief operation para sa mga sinalanta ng bagyo na wala pa ring makain at mapagtrabahuhan sa Bulacan.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita na kasama rin ni Rocco ang fiancé na si Melissa Gohing nang mag-relief effort ang Task Group S.T.A.R.S. ng Navy.

Kinailangan pang sumakay ng bangka para mapuntahan ang barangay.

"Pati po ako nagulat kung paano lang makarating doon, kailangan talaga bangka. Amoy baha pa rin 'yung tubig. Maraming umiiyak po kanina kasi nakatanggap ng ayuda. Nakaka-depress po na may ganu'ng lugar pala po," sabi ni Rocco.

Ayon kay Rocco, nasira ang mga pananim at mga palaisdaan dahil sa pagbaha sa lugar dulot ng bagyo at dahil na rin sa pandemya, kaya hindi makapagnegosyo at trabaho ang mga tao roon.

Bukod dito, wala ring makain ang mga residente.

"Nakakaiyak po, puro matanda, at panay ang pasasalamat. Kaya nu'ng nagsalita po ako kanina, dinaan ko na lang sa pabiro-biro para matuwa naman sila," kuwento ni Roco.

Mapapanood si Rocco kasama si Max Collins sa Christmas episode ng "Tadhana" na tungkol sa isang mag-asawa na ginulo ng isang third party, hanggang sa maaksidente ang mister at bumalik sa pagiging bata. —LBG, GMA News