Umiiyak na humihingi ng tulong ang pamilya ng dalawang OFW na nagtatrabaho sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) bilang mangingisda, nang ipaalam sa kanila na nahuli ang kanilang mga padre de pamilya sa karagatan sa hangganan ng KSA at Eritrea noong unang linggo ng Setyembre.

Sa ekslusibong panayam ng GMA News sa mga asawa ng mga Filipinong mangingisda, kinilala ang dalawang OFW na sina Eduardo Gabriel, at Ariel Quintana.

Batay sa impormasyong natanggap ng dalawang mga asawa, nasa ikatlong araw na raw ng pangingisda ang kanilang mga mister at ibang kasamahan nila nang bigla daw silang lapitan ng isang sasakyang pandagat lulan ang 'di kilalang mga tao na naka uniporme umano ng militar.

Dalawang bangka daw na may sakay na tig-dalawang Pinoy ang pumalaot noong September 1.

Sa kwento ni Ginang Annalyn Quintana, sinabing ang kasamahan daw ng kanyang asawa ang hinahabol ng humuli sa kanila.

"Ang sabi sa akin yung isang bangka daw po ang hinahabol yung nakabalik sa tabi (pampang), at yung bangka po ng asawa ko ay tumigil ang makina parang nasiraan po kaya sila ang binalikan. Hindi naman daw sila ang hinahabol kundi ang kasamahan nila," kwento ni Annalyn.

Nag-aalala na ang dalawaNG misis dahil hanggang sa ngayon ay wala pa raw silang makuhang malinaw na impormasyon sa kalagayan ng kanilang mga asawa, lalo na si Ginang Annalyn na ang mister umano niya limang taon na raw na hindi nakauuwi sa Pilipinas.

"Nakakalungkot po dahil siya lang po ang inaasahan namin, paano po 'pag nawala siya, paano po kami ang tagal tagal naming hindi nakita,  five years. Nagbabalak pa siyang umuwi tapos ganito pa nangyayari," pahayag naman ni Ginang Lilibeth, misis ni Eduardo Gabriel.

"Halos walang tulog, isip ng isip hindi ko alam kung saan ako magsisimula tapos dito sa Pilipinas hindi ka pwede pumunta na lang kailangan sigurad," Maiyak-iyak na pahayag ni Ginang Annalyn.

Nananawagan ang dalawa sa ating pamahalaan na tulungan sila at malaman ang kinaroroonan ng kanilang mga asawa.

Nangangamba ang dalawa sa seguridad ng kanilang mga asawa lalo pat may nakarating sa kanilang balita na pinatutubos sila ng P1.3 milyon.

"Ang huling balita ay kailangan daw ng pera nabalitaan ko sa pamilya nung Ariel na pinapatubos daw sila ng P1.3 milyon, e, saan naman kami kukuha ng ganon kalaking halaga?" kwento ni Ginang Lilibeth.

"Nag text ako sa amo niya, kung ano na update sa asawa ko sabi sa akin 'the search is still ongoing for them. Madam, if there is any news about them I will contact you'," yun po lagi ang sinasabi sa akin ng amo niya.

"Kaya nung ibinalita sa akin ng iba na nasa Eritrea ang asawa ko bigla akong nag-isip kung bakit iba ang sinasabi ng amo, at ang nababalitaan ko," Dagdag pa ni Ginang Annalyn.

Samantala, sinabi ni Labor Attache Roel Martin ng Philippine Overseas Labor Office (POLO-Jeddah) na agad nilang aaksyunan ang report na ipinarating sa kanila.

"Meron tayong inisyal report tungkol sa dalawang OFW, magko-conduct kami ng initial verification and investigation para malaman natin kung ano ang talagang totoong nangyari at syempre, kagaya ng inaasahan tutulong po ang POLO para matulungan ang ating dalawang OFW para maibigay para sa kanilang ikapapanatag lalo na sa kanilang mga pamilya," pahayag ni LabAt Martin. —LBG, GMA News