Wala raw planong papalitan o burahin ni Stephan Estopia ang mga mata ng nobya niyang si Kiray Celis na ipina-tattoo niya sa kaniyang dibdib.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," inihayag ni Stephan kung ano ang nagustuhan niya sa aktres.

"'Yung mata niya tsaka 'yung mga ngiti niya talaga. Doon ako na-inlove sa kaniya," sabi ni Stephan. "Mapagmahal siya sa magulang, maalaga. Tapos mahal niya rin 'yung family ko."

Ayon kay Stephan, ginusto niya na ipa-tattoo ang mga mata ng kaniyang nobya at wala siyang planong alisin ito.

"Hindi ko naman siya papalitan o buburahin, ginusto ko naman 'to, katawan ko naman 'to kaya hindi ko na ipapabago talaga," sabi ni Stephan.

Sinabi ni Kiray na matagal nang gustong gawin ni Stephan na magpa-tattoo.

Nakakahaba ng buhok na ipa-tattoo ka ng isang partner mo. Para sa amin kasi, kaya daw two 'yung mata kasi road 'two' forever na raw. Naks!" kinikilig na sabi ni Kiray.

Ayon kay Kiray, mas naging memorable pa ang pagpapa-tattoo ni Stephan dahil napili nito at ng tattoo artist ang isa niyang larawan mula sa kaniyang special photoshoot at makeover ng celebrity makeup artist na si Fanny Serrano.

Gusto rin daw ni Stephan na isunod na ipa-tattoo ang pangalan ng aktres, mukha at ang kanilang magiging anak.

Sa naturang episode din ng "KMJS," may ibang lalaki na nagpa-tattoo ng larawan o pangalan ng kanilang mga nobya pero nauwi sa hiwalayan.

Panoorin sa video kung ano ang kanilang ginawa sa kanilang tattoo na nagpapaalala sa kanilang ex.

--FRJ, GMA News