Dead on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa loob ng isang computer shop sa Caloocan City.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Chrisanto Arisme, 22-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, naglalaro ng computer si Arisme nang biglang pumasok ang dalawang armadong lalaki at agad siyang pinagbabaril.

Dali-dali umanong tumakas ang mga suspek, ayon sa ulat. 

Pahayag ng mga pulis, inamin ng ina ng biktima na sangkot sa iligal na droga ang kanyang anak.

Nagpapatuloy umano ang follow-up operation ng mga pulis laban sa mga salarin. —LBG, GMA News