Sugatan ang anim katao, kabilang ang limang pasahero at driver, nang bumangga ang sinasakyang jeep sa isang construction supplies store sa Kamuning, Quezon City.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, ikinuwento ng driver na si Joel Guevarra na tinatahak niya ang Kamuning Road galing EDSA bandang 4 a.m. nang may bigla umanong nag-cut sa kaniya na isang sasakyan.

Napakabig umano siya at tuluyang nabangga sa naturang tindahan.

Sinabi ni Guevarra na wala namang problema sa kaniyang preno at hindi rin mabilis ang kaniyang pagpapatakbo.

Ayon sa guard ng isang condominium na nakakita sa aksidente, mabilis ang takbo ng jeep pero totoong may nag-cut dito na sasakyan kaya sumalpok sa tindahan.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga pasahero at driver na agad isinugod sa ospital.

Naialis na ang jeep na naaksidente ngunit napinsala ang hardware and construction supplies store.

May mga nadamay din na tubo kaya tuloy ang pagtagas ng tubig sa kalsada.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News