Mahina na ang pulso nang matagpuan ang pitong-taong-gulang na bata sa isang sapa sa Cavite.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras,” ginahasa at sinakal umano ang biktima ng suspek na ninong nito sa Barangay Cabuco, Trece Martires, Cavite.

Dead on arrival sa ospital ang biktima.

Ayon sa Trece Martires Police Station, nagpasama sa biktima ang suspek na si John Paul Baluyot, isang construction worker, para umano hanapin ang kanyang dating nobya.

Bago ang krimen, nakipag-inuman pa raw ang suspek sa ama ng biktima.

“Dinala po niya sa kawayanan yung bata at doon niya po hinalay. Nung nakita na po ng isang bystander, witness ay sinigawan, agad pong tumakbo yung suspek,” ani Trece Martires Police Station chief Police Lieutenant Colonel Jonathan Asnan.

Nahuli ang suspek sa kanyang pinagtatrabahuhang construction site sa Dasmariñas Biyernes ng umaga.

“Nasakal po ng kamay. Pero hindi ko po in-expect na ganun ang mangyayari po. Humihingi po ako ng sorry,” pahayag ng suspek.

“Wala pong katawaran ‘yun, pag napatawad ko po ba siya ‘yung bata mabubuhay po ba hindi naman e,” ani ng kapatid ng biktima na si Michelle Delos Santos.

Lubos din ang pagdadalamhati ng ina ng biktima na si Mary Ann Delos Santos na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.

"Humalik raw po ‘yung bata sa tatay. Malambing po kasi yang batang 'yan sir, tapos sabi niya bibili na po ako tapos hindi na po bumalik,” aniya.

Hiling ni Mary Ann na makauwi agad sa Pilipinas.

"Lahat ng puwersa na makukuha natin para siya ay matulungan ay gagawin natin, itatawag ko rin ito kay Secretary Toots Ople,” ani Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Arnel Ignacio.—Sherylin Untalan/LDF, GMA Integrated News