Nagtamo ng mga sugat ang dalawang senior citizen matapos silang saksakin ng isang lalaking nakisilong sa kanilang tindahan sa Bogo City, Cebu.

Batay sa ulat ng GMA Regional TV na ipinalabas sa Unang Balita nitong Miyerkoles, nasa loob ng kanilang tindahan sa Barangay Nailon ang mag-asawa habang umuulan nang makisilong ang isang lalaki.

Makalipas ang ilang sandali, bigla umanong pumasok sa tindahan ang suspek at sinaksak ang babaeng biktima.

Nang tangkaing saklolohan ng kaniyang asawa ang biktima, sinaksak din siya ng suspek.

Agad na tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklong naghihintay sa labas.

Tinitingnang motibo ng pulisya ang pagnanakaw, matapos umanong hablutin ng suspek ang bracelet ng isa sa mga biktima.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang mag-asawa.— Jamil Santos/MCG GMA News