Kinaantigan ng netizens ang emosyonal na tagpo sa isang paliparan habang papaalis ang isang amang overseas Filipino worker para muling magtrabaho sa ibang bansa. Ang kaniya kasing anak na dalawang-taong-gulang, pinipigilan siyang umalis.

Sa ulat ng GMA News Feed, ipinakita ang video ni Kathlin Barbara Barunio na kuha sa airport para ihatid ang kaniyang mister na si Richard, na isang seafarer.

Ang bunso nilang anak na si Caleb, halos ayaw bumitaw sa ama at walang tigil sa pag-iyak.

Ito ang unang pagkakataon na masasaksihan ni Caleb na mangingibang-bansa ang kaniyang ama. Kaya habang inihahatid ng pamilya si Richard sa airport, si Caleb ang pinakamalungkot.

Paulit-ulit na yumakap si Caleb sa ama at inaawat ang pag-alis nito.

Ilang beses na kinukuha ni Kathlin si Caleb, pero hindi nagpapaawat ang bata sa pagyakap sa binti ng ama.

Sa huli, walang nagawa si Caleb kundi humagulgol sa iyak habang papalayo ang ama.

Si Richard naman, pinipigilan ang emosyon nang papasok na sa airport.

Labing anim na taon nang seafarer si Richard. Sa kaniya ngayong pag-alis, sa USA ang kaniyang punta.

Ayon kay Kathlin, sanggol pa lamang si Caleb, sinasabihan na nila ito tungkol sa pag-alis ng ama. Ngunit sa tuwing naririnig ito, nagagalit si Caleb.

Sanay naman na ang mga nakatatandang kapatid ni Caleb sa pag-alis ng ama.

Hindi man makakasama nina Caleb si Richard sa darating na Pasko at Bagong Taon, palagi naman nila itong nasa puso at panalangin.

Alam ng pamilya na bahagi ng sakrispiyong ginagawa ni Daddy Richard ang pagkalayo at pagtitiis sa lungkot, para sa mga magandang kinabukasan ng kanilang pamilya. – Jamil Santos/FRJ GMA News