Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga naghahanap ng trabaho sa abroad na mag-ingat sa mga naglipanang Facebook account na ginagamit ang pangalan ng ahensiya nang walang pahintulot.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, may mga FB account na ginagamit ang pangalan at logo ng POEA at nag-aalok ng mga trabaho sa iba't ibang bansa tulad sa Australia, Canada, Germany, Japan, New Zealand, at United States.

Sabi ng opisyal, kabilang sa mga fake POEA Facebook accounts na kanilang nakita ay ang:

• POEA Job Hirings in New Zealand
• POEA Jobs Online
• OFW POEA Jobs Abroad
• POEA Jobs Abroad
• POEA Job Hiring USA
• POEA Job Hiring Australia
• POEA Job Hiring UK
• POEA Job Agency Hiring
• POEA Trabaho Abroad Hiring
• POEA Jobs in Dubai
• Work Abroad-POEA Licensed Company
• POEA Accredited Licensed Agency

Ang FB page na “POEA Job Hirings in New Zealand” ay nag-post umano ng ads na mayrooon daw bakanteng trabaho sa Honda New Zealand para sa mga Pinoy. 

Itinanggi naman ng Honda na nangangalap sila ng mga manggagawa sa Pilipinas, at maging sa ibang bansa sa labas ng New Zealand.

Paglilinaw ni Olalia, ang lehitimong FB page ng POEA ay ang  facebook.com/poea.gov.ph Dapat umanong tandaan na may blue checkmark ang tunay na POEA FB page na palatandaan na "verified" ito.

Pinayuhan din ng opisyal ang mga nagpaplanong magtrabaho sa abroad na makipag-ugnayan sa POEA para matiyak kung totoo ang inaaplayang trabaho.

Maaaring makipag-ugnayan sa POEA sa pamamagitan ng email at pagpapadala ng mensahe sa online verification system sa website poea.gov.ph o tumawag sa telephone hotlines 8722-1144 at 8722-1155. — FRJ, GMA News