Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes na patuloy na susuportahan ng pamahalaan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na naapektuhan ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Marcos na mula nang lumala ang krisis sa Middle East ngayong taon, mahigit 12,000 OFW na ang natulungan ng pamahalaan na makauwi.
Nagbigay rin ang pamahalaan ng iba't ibang uri ng tulong, kabilang ang pagkain, pinansyal na ayuda, serbisyong medikal, at pansamantalang tirahan sa mahigit 140,000 OFW.
“Mahalagang misyon ito ng pamahalaan gayong lagpas dalawa’t kalahating milyong Pilipino ang naghahanapbuhay sa Middle East,” ayon sa pangulo.
“Patuloy ang ating ugnayan sa iba’t ibang bansa at ang suporta natin sa mga OFW para sa kanilang kaligtasan, lalo na at may mga kababayan tayong nasawi o nawawala sa Middle East,” dagdag niya.
Sinabi rin ng Pangulo na biniyan ng tulong ang mga umuwing OFW upang makapagsimula muli ng kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng AKSYON Fund at OWWA-Kabuhayan Program.
Tinulungan din ang iba na makahanap ng trabaho sa tulong ng Public Employment Service Office (PESO) at sa mga job fair ng Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa.
Dagdag pa ni Marcos, bibigyan ng pagkakataong makapagturo sa mga pampublikong paaralan sa bansa ang mga gurong OFW na magbalik sa Pilipinas.
“Bukod pa sa kanila, ang mga magbabalik nating mga gurong OFW ay papasok na sa mga public schools kung saan sila’y higit na kinakailangan. Dahil dito sa Pilipinas, sila ang mga Ma’am at Sir,” ayon kay Marcos.— FRJ GMA News
