Tatlong tao ang nasawi—kabilang ang tatlong-taong-gulang na lalaki—sa nangyaring banggaan ng isang motorsiklo at isang kotse sa Maramag, Bukidnon.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na papaliko ang motorsiklo sa Barangay Panadtalan nang mabangga ito ng kotse nitong Lunes ng hapon.

Sakay sa motorsiklo ang nasawing bata, kasama ang kaniyang 33-anyos na amang rider, na nasawi rin sa aksidente.

Sa lakas ng pagbangga ng kotse sa motorsiklo, tumilapon ang mag-ama at binawian ng buhay sa ospital.

Isang nakasakay din sa kotse ang pumanaw dahil sa mga tinamong pinsala sa katawan.

Tumakas ang driver ng kotse, na kinalaunan ay sumuko sa Don Carlos Municipal Police Station.

Nahaharap siya sa mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang naturang driver ng kotse.—FRJ GMA News