Patay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Mariveles, Bataan. Kaagad namang naglagay ng mga checkpoint ang pulisya sa mga karatig-bayan upang madakip ang mga nakatakas na suspek.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen dakong 6:10 pm nitong Martes sa Barangay Alion.

Nasa edad 44 at 47 ang mga biktima na parehong residente sa naturang barangay.

Kaagad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril bago pa man dumating ang mga rumespondeng awtoridad.

Kaagad na naglatag ng mga checkpoint ang pulisya sa ilang kalapit na bayan upang madakip ang mga salarin.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa krimen.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon tungkol sa insidente na makipag-ugnayan sa pulisya upang makatulong sa pagkilala at pagdakip sa mga suspek. – FRJ GMA News