Usap-usapan ng netizens ang One Meal a Day o OMAD diet bilang paraan para sa mabilis na pagbabawas ng timbang. Ligtas kaya itong paraan ng pagdidiyeta o mas mabuting gamitin ang tinatawag na “NICER” method? Alamin.

Sa segment na “Kuya Kim, Ano Na?” ipinaliwanag ni Kuya Kim Atienza na tulad ng pangalan nito, isang uri ng diet ang OMAD na isang beses lang kumakain sa loob ng isang araw para makapagbawas ng timbang.

Sa OMAD, maaaring pumili ng oras ng pagkain pero iisang meal lang kada araw.

Isa rin itong uri nang mahigpit at advanced na intermittent fasting.

“Ang OMAD ay isang uri ng intermittent fasting. So marami kasing klase ng intermittent fasting. ‘Yung paraan ng pagpapahaba nga ng oras na hindi kumakain ng isang tao,” sabi ng nutritionist-dietician na si Mabelle Aban RND, RN, CPT.

Sa karaniwang intermittent fasting, may salitan na eating window at fasting.

Halimbawa ang 16-8 method, na 16 oras ang fasting habang maaaring kumain sa loob ng walong oras.

Mayroon ding 5-2 method na nakabase naman sa bilang ng mga araw sa isang linggo, at hindi sa oras ng pagkain. Sa pamamaraang ito, pinapayagan ang normal na pagkain sa loob ng limang araw, habang lubhang nililimitahan naman ang calorie intake sa dalawang hindi magkasunod na araw.

Pero pagdating sa OMAD, kinakain ang lahat ng calories sa buong araw sa loob lamang ng isang meal window na karaniwang tumatagal ng halos isang oras.

Kadalasang umaabot sa 22-23 oras ang fasting kaya hindi ito nire-rekomenda para sa mga buntis o nagbe-breastfeed, mga bata at teenagers, may eating disorder, may iba pang medical condition na nangangailangan ng regular na pagkain, may diabetes o umiinom ng gamot para sa blood sugar maliban na lang kung may gabay ng doktor.

Maaaring makatulong ang OMAD diet sa weight loss dahil nababawasan ang kabuuang calorie intake kapag isang beses lang kumakain sa isang araw.

Ngunit batay sa pag-aaral na walang matibay na ebidensya na mas epektibo ang OMAD kaysa iba pang calorie-controlled or balanced diets pagdating sa pagbabawas ng timbang.

Kapag katulad lamang ng kabuuang calories ang kinakain, halos pareho din naman ang dami ng timbang na nababawas.

“Base sa pag-aaral, nakakatulong ang OMAD sa pagbawas ng timbang. Pero walang diperensiya ‘yung amount of weight that you will lose with OMAD or any form of intermittent fasting sa isang tao na binabawasan din ang dami ng kain at may normal na eating pattern meaning 3-5 controlled meals a day, naka low-calorie diet at may regular na eating schedule. So parehas lang 'yung amount of weight na nareduce,” sabi ni Aban.

May kaakibat din umanong panganib ang OMAD.

“Base sa consensus statement ng mga major medical and nutrition organizations in the Philippines, napag-alaman na nagwo-work ito for short-term weight loss meaning 6-12 months of weight loss. Of course gusto natin, ‘di ba, masustainable and of course safe. At napag-alaman din base sa mga maraming pag-aaral na marami itong adverse effects,” sabi ni Aban.

Dahil isang meal lang ang kinokonsumo, maraming hindi sapat ang nutrients na napupunta sa katawan.

Sinabi ni Aban na posible ring makaranas nang matinding gutom, panghihina, pagkahilo, brain fog o hirap sa pag-concentrate, dehydration, constipation, at nutrient deficiencies ang gagawa nito.

Sa ilan pa, marami itong magdulot ng binge eating o labis na pagkain kapag oras na ng meal.

Para naman sa mga may diabetes, maaari itong magdulot ng mapanganib na pagbaba ng blood sugar.

Sinabi ng mga eksperto na mas mahalaga ang simpleng healthy habits na kayang gawin sa pangmatagalan o sustainable.

Sinabi ni Aban na maaaring sundin ang NICER method sa pagda-diet.

  • N - No midnight snacks. Mainam na iwasan ang pagkain sa gabi lalo na kung malapit ng oras ng pagtulog.
  • I - Indulgences. Unting-unting bawasan ang dami ng mga pagkaing madalas natin nasusobrahan lalo tuwing cheat days.
  • C - Control. Always eat in moderation sa pamamagitan ng pagkontrol sa dami ng porsyon ng pagkain.
  • E - Early and light dinner. Ugaliing agahan ang dinner at gawin itong lightest meal of the day.
  • R - Regular eating schedule. Samahan pa ito ng regular exercise, sapat na tulog at pag-inom ng sapat na tubig.

“With any type of diet that you are considering including OMAD or any form of intermittent fasting, kailangan muna mag-consult sa inyong mga doctors at nutritionist dietitian. Mas maganda kung meron kayong certified personal trainer, fitness coaches na nag-guidance sa inyo sa fitness. Dapat alam nila kung ano 'yung mga diet sa tina-try mo,” sabi ni Aban. – FRJ GMA News