Kinaaliwan ng netizens ang ibinahaging post sa Facebook ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Baguio City Jail Female Dormitory, tungkol sa bakasyunistang nagtanong kung may bakante pang “unit” sa kanila.
“Hello may available units pa po?” nakasaad na tanong ng bakasyunista sa messenger ng BJMP-Baguio Female Dormitory, o detention facility para sa mga babaeng PDL (persons deprived of liberty).
Sinagot naman ito ng piitan ng: “Maam kulungan ng mga babae po ito,” na may kasamang smiling emoji.
Nag-sorry naman ang bakasyunista nang malaman niyang kulungan ang kaniyang napagtanungan.
Sa caption ng post ng BJMP-Baguio Female Dormitory, inilagay dito na: “WEEKEND PLANS SECURED“ na may birong emoji. “Ayuuun, staycation.. bwelooo. Sakto this coming weekend, hindi na drawing ang Baguio.”
Kasabay nito ang paalala na: “hindi po hotel ang mga jail facilities ng BJMP.”
Pagtiyak din nila, “Patuloy naming pinagsisikapan na maging safe, secure, at sanitary ang aming mga pasilidad upang matiyak ang maayos at makataong pangangalaga sa ating mga PDL, alinsunod sa mandato ng BJMP.”
Sa isang anunsyo noong nakaraang taon ng opisyal ng BJMP- Baguio City Jail Female Dormitory, inihayag na mayroon itong 59 na PDL.
Pero nasa 368 percent umano ang siksikan sa piitan dahil ang ideal capacity lang dapat ng mga napiit dito ay 16.
Samantala, iniulat ng lokal na pamahalaan ng Baguio City nitong nakaraang Marso, na bagaman nadagdagan na ang mga turistang nagtutungo sa itinuturing Summer Capital sa Pilipinas, mas kaunti pa rin ito kaysa dati dahil sa naging epekto ng pagmahal ng presyo ng mga produktong petrolyo.—FRJ GMA News

