Nakauwi na sa Pilipinas ang 373 pa na mga Filipino na na-stranded sa Singapore matapos maisagawa ang special flight nitong Martes.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, sinabing karamihan sa mga nakauwi ay tumugon sa online registration survey na isinagawa ng embahada ng Pilipinas sa Singapore.

Kabilang sa mga nakauwi ay 91 na Pinoy ay natapos na ang kontrata sa kanilang trabaho at mga turistang inabot doon ng krisis dulot ng COVID-19.

Kasama rin sa mga umuwi ang 34 na buntis, mga nakatatanda, at 13 estudyante at menor de edad. Mayroon ding 15 pasahero ang may karamdaman.

Ito na umano ang ikapitong repatriation flight mula sa Singapore na isinagawa ng Philippine Embassy simula noong Abril. Dahil dito, umabot na sa 1,432 ang mga Pinoy na stranded sa Singapore ang natulungang makauwi.

Tatlong repatriation flights pa sa mga darating na linggo ang inaasikaso pa ng embahada.-- FRJ, GMA News