NEW JERSEY - Namatay habang inooperahan nitong Mayo 26 sa Hackensack University Medical Center ang isang Pinay matapos na tadtarin ito sa saksak umano ng kanyang Pinoy na asawa sa inuupahang apartment sa Westervelt sa New Jersey.

Kinilala ang biktima na si Janet Cinco, 44, habang arestado naman ang asawa nito na kinilalang si Joel Cinco, 48.

Batay sa jail record ng suspek, patong-patong na kaso na ang kinaharap nito noong Disyembre 2020 at Abril 2021 dahil sa umano'y paglaban sa restraining order, unlawful possession of a weapon, terroristic threats at third-degree aggravated assault kung saan under probation ito.

Hindi pa malinaw ang posibleng motibo sa krimen, ayon sa mga awtoridad.

Kasong first-degree murder, burglary at unlawful possession of a weapon ang kakaharapin ng suspek na kasalukuyang nakakulong. —KG, GMA News