Anim na taon na ang nakalilipas nang bigla na lang nawala na parang bula ang anak ng isang overseas Filipino worker na mula sa Cebu City. Ano nga ba ang nangyari sa bata na noo'y limang-taong-gulang lang at nasaan na kaya siya ngayon?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," tandang-tanda pa ni Rhea Rosacena, OFW sa Oman, ang natanggap niyang tawag noong 2017 mula sa kaniyang mga kamag-anak sa Cebu City nang mawala ang kaniyang anak na si Lenard.
Unang anak na lalaki nina Rhea at Erwin si Lenard, at pang-apat sa limang magkakapatid.
Isang taon pa lang noon na nagtatrabaho si Rhea sa Oman, na kinailangang makipagsapalaran sa ibang bansa para mabigyan ng magandang buhay ang mga anak na nagsisimula nang lumaki.
Dating nagtatrabaho sa hotel si Rhea habang wala namang permanenteng trabaho si Erwin, kaya naisipan niyang pasukin ang ano mang trabaho sa abroad para sa mga anak.
"Nagpunta ako sa abroad para sa kanila, tapos 'yon lang mangyayari," hinanakit ni Rhea. "Unang anak ko 'yon na lalaki, ang sakit talaga. Kasi yung ama hindi niya inaalagaan."
Ayon kay Erwin, pumasada siya noon ng pedicab at inihabilin sa nakatatandang anak na si Mikaela ang mas batang Lenard.
Kuwento ni Mikaela, nang araw na iyon, dali-daling lumabas ng bahay si Lenard na nagpaalam na pupunta sa bahay ng kanilang lola Mercedita, na limang bahay lang ang layo sa kanilang tirahan.
Kinagabihan, sinabi ni Erwin na pinasundo niya si Lenard sa bahay ng kanilang lola pero nag-aaral umano ito doon.
Laking gulat na lang nilang lahat nang pumunta sa bahay nina Erwin si Lola Mercedita pagkaraan ng dalawang araw at sabihin na wala sa kanilang bahay at hindi nagpunta sa kanila si Lenard.
Dito pa lang nagsimulang maghanap ang pamilya. Ilang araw pa ang lumipas bago nila ipinaalam kay Rhea na nasa Oman, ang nangyari kay Lenard.
Nang malaman na ni Rhea na nawawala ang kaniyang anak, halos nawala na umano siya sa sarili. Ang mga amo naman ni Rhea, kaagad siyang ibinili ng tiket para makauwi na sa Pilipinas.
Kasabay ng pagkawala ni Lenard ang pagkakaroon ng lamat sa magandang samahan ng pamilya, na hindi maalis na maghanap ng masisisi sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
Bagaman bumalik na muli sa Oman si Rhea upang magtrabaho, patuloy siyang umaasa sa sinabi ng faith healer na buhay ang kaniyang anak. Ang mga kamag-anak naman niya sa Cebu, patuloy din na naghahanda ng cake tuwing birthday ni Lenard.
Pero ano nga ba ang dahilan kung bakit biglang nawala si Lenard at ano na kaya ang hitsura niya ngayon pagkaraan ng anim na taon? Panoorin ang buong istorya sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News
