Isang wanted na babae dahil sa pagiging illegal recruiter umano ang nasakote ng mga awtoridad sa labas ng isang simbahan sa Balagtas, Bulacan nitong Black Saturday, April 19, 2025. Ang mga biktima, inaalok daw ng suspek na trabaho na P50,000 hanggang P60,000 ang sahod kada buwan.Ayon kay Balagtas Police chief Police Major Mark Vincent Centinaje, suspek ang babae sa pagre-recruit umano mga babae para gawin umanong restaurant server sa Malaysia pero sa prostitusyon ang bagsak.“During the process, wala pong babayaran ang ating mga victim sa processing. At the same time, babanggitin po na wala po silang gagawin kundi maging server or mga waitress lamang po sa restaurant or sa mga bar po sa Malaysia,” ayon sa opisyal sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA news “24 Oras Weekend” nilang Linggo.“Bukod po sa wala silang working visa, ang mga biktima po natin ay ginagawang prostitutes,” dagdag niya.Ayon pa kay Centinaje, mula sa Bulacan, dadalhin umano ng suspek ang mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang ibiyahe sa Palawan.Mula sa airport ng Palawan, susunduin ang mga biktima ng van patungong Brooke’s Point, para ibiyahe umano via speedboat sa Balabac, Palawan. Mula rito, ililipat muli sila sa isa pang speedboat para dalhin naman sa Kudat, Malaysia.“Hinuhuli po sila ngayon sa mga pinagtratrabahuan nilang bar dahil wala pong kaukulang papeles (ang mga biktima),” ayon sa opisyal.“Sana po maging masyado po tayong vigilant sa nakakausap at pinagkakatiwalaan po natin,” paalala niya.Sinabi naman ng suspek na nadamay lang siya sa ibinibintang sa kaniya.—FRJ, GMA Integrated News