Kahit nalubog sa baha ang ilang simbahan, nangibabaw pa rin ang pananampalataya ang ilang Katoliko na dumalo sa banal na Misa kahit binaha ang loob ng simbahan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang sitwasyon sa loob ng Barasoain Church sa Malolos, Bulacan na hindi rin nakaligtas sa baha,
Kahit hanggang binti ang taas ng tubig sa loob ng simbahan, ilang Katoliko pa rin ang nagsimba at dumalo sa misa nitong Linggo.
Gayunman, hindi na ipinatupad sa simbahan ang kada-oras na misa dahil na rin sa sitwasyon sa lugar.
Samantala, gumamit naman ng monoblock chair ang ilang Katoliko na dumalo sa misa sa simbahan ng San Juan Bautista sa Hagonoy sa Bulacan pa rin na nalubog din sa baha.
Kabilang ang Malolos at Hagonoy sa mga lugar sa Bulacan na matinding binaha dahil sa matinding ulan na dulot ng Habagat na sinabayan pa ng hightide. – FRJ GMA News
