Nalunod ang isang 25-anyos na lalaki matapos siyang mahulog sa drainage na walang takip at hindi makikita dahil lubog sa baha ang lugar sa Barangay Cutcut, Angeles City, Pampanga.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, makikita sa CCTV camera ang biktima na naglalakad sa Friendship Highway noong Biyernes habang umuulan.
Bagaman natakpan siya ng isang nakaparadang sasakyan, makikita ang biktima na bigla na lang nawala habang hawak ang payong.
Ilang nakasaksi sa insidente ang tinangkang saklolohan ang lalaki pero hindi na siya nasagip.
“Bigla po siyang nahulog. Malaki po ‘yung ano ng alon, sir, malakas po,” ayon sa nakasaksi.
Hindi umano makikita ang butas na drainage dahil sa nakalubog ito sa baha.
“Nung time na ‘yon, sir, ‘di rin namin alam na diyan siya dumaan. Delikado kasi diyan. Sabagay, ‘di niya rin po alam na ganon ‘yung mangyayari,” sabi ng isa pang saksi.
Natagpuan ang katawan ng biktima pagkaraan ng may isang oras na malayo na sa lugar kung saan siya nahulog.
Dinala ang kaniyang mga labi sa Makati City para doon ilibing.
Sinisikap pa ng GMA News makuhanan ng pahayag ang mga opisyal ng barangay sa lugar at Angeles Police kaugnay sa nangyari, ayon sa ulat. — Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
