Nasabat ng mga awtoridad ang 15 trailer trucks sa Bataan at Pampanga na may kargang hinihinalang mga ilegal o ipinuslit na mga sigarilyo na aabot sa P960 milyon ang kabuuang halaga.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nagsagawa ng surveillance operation ang pulisya matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y shipment ng mga ilegal na sigarilyo.
Walong trailer trucks ang nasabat sa magkakahiwalay na mga lugar sa Bataan. Pito sa mga ito ang nasa Abucay, dalawa ang nasa Limay, at isa sa Orion. Samantala, sa Lubao, Pampanga naman nahuli ang lima pang truck.
Ayon sa Police Regional Office 3, nakita sa mga truck ang kahon-kahon ng mga hinihinalang ipinuslit o ilegal na mga sigarilyo. Isasailalim ang mga kontrabando sa final inventory at verification.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, hinihinalang nangggaling ang kargamento sa isang pribadong ship port sa Mariveles Bataan.
Inaalam na kung sino ang mga taong nasa likod ng naturang mga kargamento. – FRJ GMA News
