Ipinagluluksa ng isang pamilya ang biglang pagpanaw ng kanilang 65-anyos na padre de pamilya na mahilig sa mga halaman sa Meycauayan, Bulacan. Ang hinala nilang naging dahilan ng pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay, ang nahawakan nitong dagta mula sa isang halaman na kusang tumubo sa kanilang bakuran. Anong halaman ito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Arcee Dagale ang sinapit ng namayapa niyang ama na si Tatay Felix.
Kuwento ni Arcee, likas ang kasipagan ng kaniyang ama na nagbabantay sa isang elementary school. Kapag walang pasok, inaasikaso niya ang kaniyang halamanan.
“Hindi po siya mapakali. Linis po kung saan-saan. Magaan na magaan po ang kamay niya sa halaman. Once na nagtanim po siya, tumutubo po,” ani Arcee.
Setyembre 20 nang may makita si Tatay Felix na magandang halaman sa kanilang bakuran. Pagkabunot niya rito, nilipat niya ito sa paso at may nahawakan na dagta.
Mapanonood sa CCTV footage ang paglilipat ng paso ni Tatay Felix sa halaman. Hanggang sa humawak siya sa kaniyang ilong bago umuwi ng bahay.
“Sabi niya, may higad niya tayo kayong alaman na 'yun. Nilagyan po ng gamot, bumalik siya uli doon,” kuwento ni Edna Dagale, asawa ni Tatay Felix.
Makaraan ang ilang saglit, mapanonood na tila hindi na mapakali si Tatay Felix, na tayo nang tayo at kamot na ng kamot ng buo niyang katawan.
“Sabi niya sa akin, ‘Buong katawan ko ika nangangati na.’ E ‘di ano po, naligo po siya,” sabi ni Nanay Edna.
“After po niya maligo, nangangati pa rin po siya,” kuwento ni Arcee.
Sa pag-aakalang simpleng allergy lang ito, lumabas si Tatay Felix upang bumili ng gamot. Kalaunan, doon na siya bumagsak.
“Pagkainom po niya, nagsabi po sa akin na, 'yun daw pong mga palad niya, parang nangangapal. Pati raw po 'yung mukha niya, wala po siyang rashes o pantal. Basta buong katawan po niya mapula. Pati daw po 'yung mata niya parang lumalabo. Mamaya-maya po, biglang bumagsak. Nagsuka na po nang nagsuka. Eh nu'ng nagsalita po siya, hindi ko na po maintindihan,” sabi ni Nanay Edna.
Agad na silang tumawag ng ambulansiya at dinala si Tatay Felix sa ospital.
“Sabi po ng doktor, sir pasensiya na po kasi hindi na po namin na-revive si Tatay. Ipapasok po namin 'yung tubo sa kaniya, hindi na po maipasok sa lalamunan niya kasi nagsara na po 'yung lalamunan niya,” ani Arcee.
Lumabas sa death certificate na nasawi si Tatay Felix sa anaphylactic shock secondary to poisonous plant.
Dahil hindi sila pamilyar sa halamang nakadale sa kanilang padre de pamilya, agad nag-research sina Arcee, at napagtantong “Alocasia cucullate” ang pangalan nito.
Hugis-puso, makintab at malalapad ang dahon ng Alocasia cucullata. Makapal at kumpol-kumpol ang tangkay nito na maaaring humaba ng hanggang isang metro. Mukha itong taro o gabi, pero hindi ito kinakain.
Kalimitan itong dekorasyon sa mga bahay at garden dahil sa paniwalang may hatid itong suwerte at proteksyon sa nag-aalaga.
Laking pagtataka rin nina Arcee na ilang dekada na ito sa kanilang bakuran na hindi nila itinanim kundi kusa lang tumubo.
“Halos po lahat nag-match po doon sa nangyari kay tatay. Pagsakit ng tiyan, pangangati ng buong katawan, paninikip ng dibdib or lalamunan, hanggang mawalan ka ng hininga. Kumbinsido po kami na doon po talaga. Since wala po talaga aming makitang rason eh, wala po siyang sakit,” ani Arcee.
Nagtataglay umano ng milyon-milyong microscopic at parang karayom na calcium oxalate crystals ang dagta ng Alocasia cucullata.
“Napunta halimbawa sa balat mo or sa bibig. 'Yung mga karayom na 'yun, papasok sa balat. Very irritating siya. Pero kung halimbawa, kasi malambot 'yung tongue at saka 'yung gilagid natin, saka 'yung cheeks natin sa loob. Mamamaga ‘yan. At minsan, sa pamamaga, nagbabara 'yung dinadaanan ng hangin. Pagka nagbara 'yun, at hindi ka makahinga, 'yun, nagiging very dangerous siya,” sabi ni Dr. Allan George Dionisio, clinical toxicologist & family medicine doctor.
Ngunit ayon kay Dr. Dionisio, ito ang unang beses na naka-engkuwentro siya na namatay dahil sa Alocasia cucullata.
“Mula nu'ng tumitingin ako ng mga poison patients, in 1993, ngayon lang ako naka-encounter ng ganiyan, na namatay,” dagdag niya.
Tunghayan sa KMJS ang pagbisita ng isang botanist sa tahanan ng mga Dagale para suriin ang Alocasia cucullata sa kanilang bakuran, at kung nakalalason nga ba ang dagta nito? Panoorin. – FRJ GMA News
