Isang guro ang nahaharap sa reklamo matapos umanong hampasin ng sapatos ang isang naglalarong Grade 3 pupil sa Bacolod City.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng ama ng bata na nakita niyang namumula ang likod ng anak nitong Miyerkoles.

Ayon sa kaniyang anak, naglalaro sila ng kaniyang kaklase nang magalit ang kanilang guro at pinalo umano siya ng sapatos sa likod.

Inireklamo na ang guro ng pamilya ng bata sa Bacolod City Police.

Sinubukan ng GMA Regional TV nakunan ng panig ang guro at ang pamunuan na eskuwelahan ngunit hindi pinapasok ang news team.

Sinabi ng tagapagsalita ng Department of Education Negros Island Region na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA News