Nanawagan si Dennis Trillo sa publiko na itigil na ang pamba-bash online kasunod ng “tell-all” interview ni Patrick Garcia tungkol sa nakaraan nila ni Jennylyn Mercado, na asawa na ngayon ni Dennis.
Sa Threads, hinimok ng Kapuso Drama King ang mga netizen na itigil na ang pagiging negatibo at sa halip ay piliing magpakita ng pagmamahal ngayong papalapit na ang kapaskuhan.
"Simula bukas, tigil na po ang bashing, OK? Magmahalan na tayo ulit. Past is past, magpapasko na at kawawa na ang mga bata," pakiusap ng aktor.
Si Patrick ang biological dad ng 18-anyos na anak ni Jennylyn na si Jazz.
Sa kaniyang panayam kay Ogie Diaz, itinanggi ni Patrick na pinabayaan niya si Jennylyn noong buntis ito. Sinabi rin niya na huli niyang nakita si Jazz noong 2017, na siya ring huling pagkakataong nagbigay siya ng sustento para sa bata.
Ayon sa aktor, nagpasya siyang magsalita matapos ang 18 taon dahil hinimok siya ng kaniyang 13-anyos na anak na babae, na nakaranas din ng pamba-bash dahil sa nakaraan ng kaniyang ama.
Hinikayat umano siya ng anak na ibahagi ang kaniyang panig tungkol sa isyu.
"Hindi ako pabor sa bashing, pero salamat at naalala mo si Jazz dahil sa pag bash sa anak mo," saad ni Dennis sa naunang komento tungkol sa naturang panayam ni Patrick.
Samantala, tumanggi si Jennylyn na magkomento pa tungkol sa isyu. Sa halip, hiniling niya sa publiko na itigil na ang pamba-bash sa pamilya at anak na babae ni Patrick.
Nagpakasal sina Dennis at Jennylyn noong 2021. Mayroon silang isang anak na babae na apat na taong gulang na. Kasama rin sa kanilang blended family si Calix, at ang 19-anyos na anak ni Dennis sa dating kasintahan nito na si Carlene Aguilar.
Samantala, ikinasal si Patrick kay Nikka Martinez noong 2015. Mayroon naman silang apat na anak. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News

