Isang barangay chairman ang nasawi matapos siyang pagbabarilin sa harap mismo ng kaniyang bahay sa Santo Tomas, Batangas.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage na nagwawalis ang biktima sa tapat ng kaniyang bahay nang lapitan siya at pagbabarilin ng isang lalaki.
Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.
Dinala naman sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.
Nag-alok ng pabuyang P200,000 ang lokal na pamahalaan ng Santo Tomas sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang salarin.—Jamil Santos/FRJ GMA News
