Isinugod sa ospital ang isang 15-anyos na lalaki matapos masugatan sa ulo nang aksidenteng pumutok ang baril na nililinis nila ng kaniyang kaibigang lalaki na 16-anyos sa Cebu City.
Sa ulat ni Guam Logroño ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Lahug nitong Martes.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nililinis ng magkaibigan ang isang caliber .22 magnum na baril nang aksidenteng makalabit ng 16-anyos na binatilyo ang gatilyo at tinamaan ng bala ang 15-anyos na biktima.
Nagtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng ulo ang biktima na isinugod sa ospital.
Inaresto naman ng mga awtoridad ang 16-anyos na binatilyo upang alamin kung saan nito nakuha ang baril.
Gayunman, ayaw umanong magsalita ng 16-anyos na binatilyo kung sino ang may-ari ng baril at kung saan nila ito gagamitin.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente at sa mismong baril.
BABALA: SENSITIBONG BALITA Isang 15 taong gulang na binatilyo, sugatan matapos aksidenteng mabaril ng kanyang 16 taong gulang na kaibigang binatilyo sa Brgy. Lahug, Cebu City. | via Guam Logroño, Super Radyo Cebu https://t.co/DWNyop6pqh
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 18, 2026
—FRJ GMA News

