Nasugatan pero masuwerteng nakaligtas ang isang 43-anyos na lalaki na pinagbabaril ng riding-in-tandem suspects sa Penaranda, Nueva Ecija. At kahit may takip ang kanilang mukha nang gawin ang krimen, naaresto ang dalawang suspek kalaunan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na sakay ng motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin siya ng mga salarin sa Barangay Las Pinas.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ang biktima na mabilis na isinugod sa ospital ng mga awtoridad nang makitang buhay pa ito.
Tumakas naman ang mga salarin matapos ang ginawang pamamaril, at nahuli-cam sila na may takip sa mga mukha.
Sa kabutihang palad, sinabi sa ulat sa ulat na ligtas na ang biktima at nagpapagaling.
Kalaunan, naaresto ng mga pulis ang dalawang suspek na 39-anyos na gunman, at ang itinuturong utak sa krimen na 44-anyos na lalaki.
Lumitaw sa imbestigasyon na kababayan ng biktima sa bayan ng San Leonardo ang umano’y utak sa krimen at dating katrabaho.
Personal na alitan ang lumalabas na motibo sa krimen, ayon sa pulisya. – FRJ GMA News
