Pumanaw na sa edad na 65 si Andy Taylor, ang gitarista at songwriter ng pop-rock band na Duran Duran. at kabilang sa mga iniluklok sa Rock and Roll Hall of Fame, ayon sa inilabas na pahayag ng kaniyang pamilya, at mga dating kabanda na inilabas nitong Miyerkules.

Si Taylor, tumulong sa pagsulat ng ilan sa mga pinakasikat na kanta ng grupo-- kabilang ang “Hungry Like the Wolf” “Rio” at “Girls on Film”-- ay pumanaw dahil sa metastatic prostate cancer.

Natuklasan sa kaniya ang naturang sakit noong 2018.

Ang unang bahagi ng pahayag ay mula sa kaniyang pamilya, habang ang ikalawang bahagi naman ay mula sa mga miyembro ng Duran Duran na sina Simon Le Bon, Nick Rhodes, John Taylor at Roger Taylor.

"To the world, Andy was a brilliant guitarist, but to us, he was the most wonderful husband, a loving dad and the proudest grandfather," pahayag ng kaniyang asawang si Tracy Wilson-Taylor sa ngalan ng kanilang pamilya.

Binigyang-diin naman ng mga miyembro ng Grammy-winning band na nagdala si Taylor ng kakaibang estilo sa kanilang musika.

"Andy was there at the very beginning of our story. From the moment he arrived in Birmingham from the North East with a guitar and an unshakeable belief in what we could become, he brought an indelible fire and swagger to our music," saad ng grupo.

Dagdag pa nila, buong tapang at kahinahunan na hinarap ni Taylor ang kaniyang karamdaman.

Isinilang si Taylor noong 1961 sa Tynemouth at lumaki sa Cullercoats, Northumberland. Nagsimula siyang mag-aral tumugtog ng gitara sa edad na 11. Kalaunan, tumigil siya sa pag-aaral upang maglibot at magtanghal sa England at Europe kasama ang iba't ibang banda.

Lumipat siya sa Birmingham at sumali sa Duran Duran noong 1980.

Lumagda ang grupo ng kontrata sa EMI Records at inilabas ang kanilang debut album na "Duran Duran" noong 1981. Naging matagumpay ang album sa United Kingdom, ngunit nakilala sila sa buong mundo kasunod ng paglabas ng album na "Rio" noong 1982.

Kalaunan, sinimulan ni Taylor ang kanyang solo career at inilabas ang una niyang studio album na "Thunder" noong 1987.

May apat na anak si Taylor sa kanyang asawang si Wilson-Taylor. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News