Armado ng bolo, sinugod ng isang matandang lalaki at saka pinagsasaksak ang kapitbahay niyang 69-anyos na lola na umano'y mangkukulam sa Rosales, Pangasinan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nag-iigib ng tubig sa kaniyang bakuran ang biktimang si Melita Mortos nang pumasok ang kapitbahay niyang suspek na si Romulo Agana.
Matapos na magbitiw umano ng masasamang salita si Agana, pinagsasaksak na nito ng dala niyang bolo ang biktima.
Naaresto naman ang suspek na aminado sa ginawa niyang krimen na dahilan umano sa paghihiganti.
"Kasi pinatay niya 'yung asawa ko, 'yung kuwan babae, 'yung ano nagkulam," anang suspek.
Patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang biktima na hindi na nagbibigay ng pahayag kaugnay sa paratang ng suspek.
Samantala, karumal-dumal ang sinapit ng isang misis sa Tagkawayan, Quezon na pinaslang ng sariling mister.
Ayon sa pulisya, posibleng pinaghahampas ng matigas na bagay ng suspek na si Rodrigo Sarsaba ang kaniyang asawa na puno ng pasa sa katawan at durog ang ilang buto.
Mismong ang suspek pa raw ang nagdala sa biktima sa ospital kung saan ito binawian ng buhay.
Hawak na ng mga pulis ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA News
