Isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong ang sinagip matapos mahuli-cam na pisikal na sinasaktan umano ng kaniyang "alaga," o anak ng kaniyang amo.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita ang video footage na hinihila ng isang babae ang buhok ng OFW na nagtatrabaho sa Hong Kong bilang caregiver.

Kaagad na rumesponde ang Hong Kong police at kinausap ang OFW, na napag-alaman na mula sa Bulacan.

Ayon sa Migrant Workers Office, dinala ang OFW sa temporary shelter matapos na makalabas ng ospital kung saan siya ipinasuri.

Inihayag naman Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na aalamin kung totoo na ang nanakit sa OFW ay mismong alaga nito na umano’y may kondisyon sa pag-iisip.

Tatanungin din  ng OWWA kung nais na ng OFW na umuwi ng Pilipinas o magpatuloy ng pagtatrabaho sa Hong Kong.

Iniimbestigahan na rin ng mga pulis sa Hong Kong ang usapin. -- FRJ GMA Integrated News