Arestado ang isang lalaking nagtangkang mangholdap sa Plaridel branch ng isang courier company sa Bulacan nitong Lunes.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, pasado alas-11 ng umaga pumasok sa LBC branch sa Barangay Banga I ang suspek na si Rodsun Ligayu, 37-anyos.

Agad daw itong nagdeklara ng holdap at ipinakita ang replikang baril na nakasukbit sa kanyang baywang.

Nakatakas naman ang tauhan ng LBC na si Joyce Tuazon at nakahingi ng tulong sa mga pulis na nagkataong nagpapatrolya sa lugar.

Nasukol ng mga pulis ang suspek na napag-alamang residente siya umano ng Hagonoy, Bulacan at dati nang may record ng panloloob sa isa pang LBC branch sa Apalit, Pampanga.

 

 

Nakumpiska sa suspek ang replika ng M1911 pistol na siyang ginamit niya sa tangkang panghoholdap. —Dona Magsino/KG, GMA News