Binitbit at paulit-ulit na hinataw ng patpat ng isang ama ang kaniyang pitong-taong-gulang na anak na lalaki matapos na akusahan na nagnakaw ng cellphone sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa video na halos maglupasay na sa buhangin ang bata habang hinahampas ng kaniyang ama.

May pakakataon pa na kinadladkad at binitbit ng ama ang kaniyang umiyak at magsisigaw sa sakit ang anak.

Ayon sa nakasaksi, nagalit ang ama ng bata matapos malaman na nagnakaw ng cellphone at pera ang kaniyang anak sa kanilang kapitbahay.

May ilang residente umano na nakakita na may dala ngang cellphone ang bata na hinihinalang pag-aari ng kapitbahay.

Sinubukan naman umano ng ilang residente na awatin ang ama sa pananakit sa anak nito pero hindi raw nagpaawat ang lalaki.

Nakarating na sa City Social Welfare and Development Office ang insidente na magsasagawa umano ng imbestigasyon. --FRJ, GMA News