Patay ang isang guro nang pagsasaksakin ng dati umano niyang nobyo sa harap mismo ng kaniyang mga estudyante sa Iligan City.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Sheryll Doloquin at ang suspek na si Albert Bansalaw na dating nobyo ng biktima.

Bigla umanong dumating ang suspek at pinagsasaksak ang biktima sa harap ng kaniyang mga estudyante.

Sa sobrang takot, nag-iyakan at nagtakbuhan ang mga bata sa nangyari sa kanila mahal na guro.

Naisugod pa sa ospital si Doloquin, ngunit hindi na ito umabot na buhay.

Dali-dali naman umanong tumakas ang suspek lulan ng isang motorsiklo.

Ayon sa ina ng biktima, isang mapagmahal at responsableng ina ang kaniyang anak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, dating nobyo ng biktima ang suspek at hiniwalayan ito ng guro nang malamang may asawa na pala ito.

Selos ang tinitingnang ng mga pulis na motibo sa krimen dahil hindi matanggap ng suspek ang kanilang paghiwalay.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek. —LBG, GMA News