Nauwi sa karahasan ang larong basketball sa Pagadian City nang pagbabarilin umano ng natalong manlalaro ang magkapatid na kaniyang nakalaban.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, ligtas na sa kapahamakan ang biktimang si Raymond Manlanat, pero malubha ang tinamong tama ng bala sa dibdib ng kapatid niyang si Richard.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakasagutan ng magkapatid ang natalo nilang nilang suspek na si Bob Saripudin matapos ang kanilang laro sa Barangay Buenavista, Pagadian City.

Umalis si Saripudin pero nang bumalik ay armado na siya ng baril at pinaputukan ang magkapatid.

Kaagad na dinala sa pagamutan ang mga biktima, habang nahaharap sa kaukulang kaso si Saripudin. -- FRJ, GMA News