Patay ang isang 25-anyos na lalaki na umawat lang sa gulong kinasangkutan ng kaniyang pinsan matapos siyang magtamo ng mahigit 15 saksak sa San Pedro, Laguna. Ang mga suspek sa krimen, ang nakaalitan daw na magkapatid.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jeremy Mangi, 23-anyos, isang tatoo artist. Sugatan din at nagpapagaling sa ospital ang pinsan niya na si Edward Esguerra, na nagtamo rin mga saksak.

Nangyari ang insidente gabi noong Hunyo 25 sa barangay Laram ng naturang lungsod, kung saan pinagtulungang saksakin ng mga suspek na sina Royeth at Iggy Alonzo, ang kapitbahay na biktima sa harap mismo ng barangay hall.

Labis ang hinanakita ng ina ng biktima na si Vivan Esguerra, dahil umawat lang sa gulo ang kaniyang anak.
Sinampahan na ng kasong murder ang magkapatid na Alonzo, pati ang tatay nilang si Godofredo na pinaniniwalaan na sumali rin umano sa gulo.

Ayon sa imbestigasyon ng San Pedro Police, matagal nang may alitan ang magkabilang kampo, na nagsimula sa sakitan sa basketball sa pagitan nina Esguerra at ng isa pang menor de edad na kapatid ng mga suspek.

Bago pa man daw ang krimen, sinubukan na ni Mangi na idulog sa barangay ang problema ng alitan para matapos na ito nang mapayapa.

“Last summer po nangyari 'yun, during basketball league, nagka-ayos sila sa barangay. Tapos nanahimik, both parties... That night June 25, ayun lang po ulit pumutok ang isyu nila,” sabi ni Katreen Epino, live-in partner ng biktima.

Nanawagan ang ina ng biktima sa mga suspek na sumuko na at panagutan ang ginawang pagpatay sa kaniyang anak.

Nais din ng pamilya ng biktima na makasuhan din ang ina ng mga suspek at ang menor de edad na kapatid nila na nagpasimula raw ng gulo.

“Ito naman ay dapat harapin nila. Naisampa na natin ang kaso sa kanila so dapat humarap sila at panagutan 'yung nagawa nila sa batas,” sabi ni Police Leiutenant Colonel Rey Garduque Chief of Police, San Pedro, Laguna.

Tinungo ng GMA News ang bahay ng mga suspek pero sinabi ng mga kapitbahay na matagal nang wala ang mga ito sa lugar.--Jamil Santos/FRJ, GMA News