Patay ang isang motocross rider nang maaksidente habang nag-e-ensayo sa Carmel, Agusan del Norte, isang araw bago ang sasalihan sana niyang kompetisyon.


Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si John Kim Portes Peligrino, 17-anyos.

Sabi ng kaibigan ng biktima, nag-ensayo si Peligrino kasama ang ilan pa nilang kaibigan sa lugar kung saan gaganapin ang kompetisyon nang pumalsa ang ginamit nitong motorsiklo matapos na umangat mula sa mataas na rampa ng lupa at hindi umabot sa landing area.

Naipit umano ang dibdib at tiyan ng binatilyo sa kaniyang motorsiklo nang bumagsak siya.

Kaagad namang dinala sa ospital ang biktima pero pinauwi rin pagkatapos masuri ng duktor.

Pero kinabukasan, idinaing umano ni Peligrino na may nararamdamang masakit sa katawan kaya muli siyang dinala sa ospital pero binawian na siya ng buhay.

Hinihinala na internal hemorrhage o pagdurugo sa loob ng katawan ang dahilan ng kaniyang ikinasawi.

Tumangging magbigay ng pahayag ang kaniyang pamilya sa nangyari.

Noong nakaraang buwan, nagwagi ang biktima sa Naliyagan festival Motocross Tournament na ginawa sa Prosperidad, Agusan del Sur.--FRJ, GMA News